320–640 Oras na Work Immersion, Hamon sa Kahandaan ng mga Paaralan

Ginawa ni: STEM

UNIDAD, Cagwait, Surigao del Sur — Agosto 12, 2026 — Nagiging hamon sa mga paaralan ang pagpapatupad ng mas mahabang work immersion para sa Technical-Professional (TechPro) learners sa ilalim ng Strengthened Senior High School (SHS) Curriculum, lalo na sa kahandaan ng partner establishments, kagamitan at paggabay sa mga estudyante.

Sa talakayan binigyang-diin ni Edward II M. Calising ang pagpapalawak ng work immersion mula sa dating 80 oras tungo sa 320–640 oras para sa mga TechPro learners.

Layunin nitong bigyan ang mga mag-aaral ng mas maraming pagkakataon na makakuha ng aktuwal at praktikal na karanasan sa kanilang napiling larangan.

“Hindi lamang oras ang kailangang paghandaan. Kailangan ding tiyakin na may sapat na lugar, kagamitan, partner establishments at supervision para maging makabuluhan ang immersion,” ani Calising.

Bagama’t maaaring makatulong ang mas mahabang immersion sa paghubog ng technical skills, maaari rin itong maging hamon sa mga paaralan na may limitadong bilang ng partner establishments at kailangang matiyak na sapat ang mga lugar na pagtuturuan at ang mga gawain ay angkop sa track at kakayahan ng mga learners.

Mahalaga rin ang seguridad at patuloy na paggabay sa mga estudyante habang nasa workplace; Kailangan ng malinaw na koordinasyon sa pagitan ng paaralan at partner establishment upang matiyak na ligtas ang learners at nakatuon ang kanilang mga gawain sa learning objectives ng programa.

Dagdag pa rito, maaaring maging hamon ang pagkakaroon ng sapat na kagamitan at training facilities, lalo na para sa mga paaralang may limitadong resources. Kung hindi sapat ang pasilidad o workplace partners, maaaring hindi lubusang makuha ng mga estudyante ang hands-on experience na layunin ng pinalawak na immersion.

Maaaring maging malaking oportunidad ang 320–640 oras na immersion kung maayos ang paghahanda at pagpapatupad— sa halip na haba lamang ng oras ang maging sukatan, nakasalalay ang tagumpay ng programa sa kalidad ng karanasan.